Dahil maikli lang ang nakalaan na oras, hindi ko rin naipaliwanag ang lahat ng mabuti kaya minabuti kong idaan sa sulat ang lahat sana ng gusto kong sabihin nung mga oras na iyon. Pakiwari ko'y mas totoo ang mga salita kapag sinusulat ko sila kaysa kapag lumabas sa bibig ko. Seryoso ang mood ng sulat. Walang halong pagbibiro o pagapapatawa. Sumulat ako base sa kung ano ang nararamdaman ko at gusto kong sabihin. Laman nito ang dahilan ng aking desisyon, mga plano ko sa hinaharap at pasasalamat sa kanila. At dahil malungkot ako habang sinusulat ko iyon, hindi ko inakalang mapapa-iyak ko ang ilan sa mga nakabasa noon. Dahil para sa aking batch ang sulat, ipinadala ko ito sa aming yahoogroups bilang attachment at makalipas lang ng ilang araw, nagdagsaan ang mga mensahe sa aking facebook at replies na nagsasabing nalungkot/naiyak sila sa laman ng sulat ko.
Hindi ako sumagot sa mga mensahe nila sa akin. Nanatili akong tahimik na parang walang nangyari. Ngunit hindi maikakaila ang kalungkutang nararamdaman ko habang binabasa ang mga mensahe nila para sa akin. Simula pa lang ito ng mga pagdadaanan ko sa ginawa kong desisyon, pero matagal ko nang inihanda ang sarili ko para sa mga ganitong pangyayaring magaganap. Mahirap, malungkot, masakit ngunit walang puwang ang pagsisisi dahil sa bawat pamamaalam may mas magandang bagay na darating.