Hanapan ang Blog na Ito

Martes, Mayo 1, 2012

Unang Post sa taong 2012

                Mayo 1. Kaarawan ni Mr. Sunny Side-up at 5 buwan na mula nang huli akong magpost ng entry dito sa blog kong unti-unti kong napabayaan. Maraming nangyari nitong nagdaan buwan at naging komplikado ang pagsisimula ko ng panibagong taon. Enero hanggang Marso nagdesisyon akong mag-aral ng Japanese language sa UP Diliman habang part-time na namamasukan bilang dental assistant sa isang klinika malapit sa bahay na inuuwian ko. Anim na buwan ang leave ko sa kolehiyo kaya ginamit ko ang lahat ng oras na ito para una, asikasuhin ang tranfer papers ko sa paglipat sa ibang kurso sa UP Diliman, paghandaan ang application ko ng scholarship para sa Japan at panghuli, para kumita ng pera. Tapos na ang papel ko bilang dental assistant, nung Marso pa lang. Ngayon part-time online english tutor naman ako ng mga Koreano.
              Nitong nagdaang mga buwan, dumalaw ako sa mga dati kong kaklase sa Dentistry. Namimiss daw nila ako. Dahil may mga requirements din akong kailangang kunin sa Office of the College Secretary namin, dumaan na rin ako para makita at makausap sila. Masaya ako para sa kanila lalo't kahit mahirap ang pinagdadaanan nila, kinakaya nila iyon. Gusto ko ring maging katulad nila, ang maging masaya sa ginagawa kahit gaano kahirap.
              Sa totoo lang, walang kasiguruhan itong bagay na pinasok ko. Sabi nga ng isang propesor namin nung nagpapapirma ako ng clearance, "Alam mo bang SUMUSUGAL KA?". Tama siya, sumugal nga ako at hindi biro ang bagay na itinaya ko. Isinugal ko lang naman ang "pananatili ko sa UP" at ang "pambihirang pagkakataon na makagradweyt sana sa pinaka premyadong unibersidad sa bansa." Bakit?.. kasi walang kasiguruhan na matatanggap ako sa kolehiyong lilipatan ko. Sa oras na hindi ako matanggap, kailangan kong kunin ang kursong gusto ko sa ibang eskuwelahan, mawawala na ang slot ko sa College dahil desidido na akong huwag nang bumalik sa Dentistry.
              Mayo na. Isang buwan na lang at pasukan na ulit ngunit nananatili pa ring tanong para sa akin kung kailan at saan ako mag-eenroll. Matagal ko nang inihanda ang sarili ko para sa mga ganitong pangyayari. Ako ang pumili sa desisyon kong ito kaya kailangan ko itong panindigan. Anuman ang maging resulta, maluwag ko itong tatanggapin.

Biyernes, Nobyembre 25, 2011

Sulat Pamamaalam

              Mahigit isang linggo na ang nakalipas mula nang magpaalam ako ng personal sa aking mga kaklase sa aking kolehiyo (Dentistry). Saglit lang naganap ang pamamaalam na iyon at hindi ito yung tipong ma-drama na karaniwang nakikita/napapanood sa mga pelikula. Personal ang dahilan ng desisyon ko. Matagal ko rin itong pinag-isipan at sadya kong inilihim ang lahat kaya medyo nabigla sila nung in-anunsyo ko ang tuluyan ko nang pag-alis sa nasabing kurso.
                Dahil maikli lang ang nakalaan na oras, hindi ko rin naipaliwanag ang lahat ng mabuti kaya minabuti kong idaan sa sulat ang lahat sana ng gusto kong sabihin nung mga oras na iyon. Pakiwari ko'y mas totoo ang mga salita kapag sinusulat ko sila kaysa kapag lumabas sa bibig ko. Seryoso ang mood ng sulat. Walang halong pagbibiro o pagapapatawa. Sumulat ako base sa kung ano ang nararamdaman ko at gusto kong sabihin. Laman nito ang dahilan ng aking desisyon, mga plano ko sa hinaharap at pasasalamat sa kanila. At dahil malungkot ako habang sinusulat ko iyon, hindi ko inakalang mapapa-iyak ko ang ilan sa mga nakabasa noon. Dahil para sa aking batch ang sulat, ipinadala ko ito sa aming yahoogroups bilang attachment at makalipas lang ng ilang araw, nagdagsaan ang mga mensahe sa aking facebook at replies na nagsasabing nalungkot/naiyak sila sa laman ng sulat ko. 
               Hindi ako sumagot sa mga mensahe nila sa akin.  Nanatili akong tahimik na parang walang nangyari. Ngunit hindi maikakaila ang kalungkutang nararamdaman ko habang binabasa ang mga mensahe nila para sa akin. Simula pa lang ito ng mga pagdadaanan ko sa ginawa kong desisyon, pero matagal ko nang inihanda ang sarili ko para sa mga ganitong pangyayaring magaganap. Mahirap, malungkot, masakit ngunit walang puwang ang pagsisisi dahil sa bawat pamamaalam may mas magandang bagay na darating. 
            

Lunes, Agosto 22, 2011

Malungkot na WEEKEND

       Sa wakas! Natapos din ang mahigit na isang linggong pagpupuyat para sa 5 magkakasunod naming eksam. Kaninang umaga lang naganap ang pinakamadugong pakikipagsagupa namin sa lahat ng limang exams. Ito lang naman yung subject na ibinagsak ko nung nakaraan. Ngayon, kahit papaano kuntento naman ako sa mga nasagutan ko at may mga tanong doon na kahit di ko alam at sinagutan ko nang hindi pinag-iisipan ay tsumaba naman. 
        Hindi magkamayaw ang mga kaklase ko sa pagpaplano nila ng mga pan-detox nila. Lahat, halos excited magpakasaya, matulog at magpahinga. Ako din mismo, sabik mag-online dahil isang linggo ko din na-deprive ang sarili ko sa pagbubukas ng mga account ko.    
        Plano ko nga sanang mag-online buong araw bukas o kaya tapusin yung drama series na pinapanood ko nang makatanggap ako ng text mula sa kapatid ko laman ang isang malungkot na balita. Pumanaw na ang pamangkin namin kaninang ala-una ng hapon matapos ma-comatose nung Sabado. Anak siya ng first cousin namin at malungkot dahil malapit sa amin ang batang iyon. Sa bahay pa namin sa probinsya niya napipiling magbakasyon tuwing summer. Sayang dahil napakabata pa niya at kumbaga ang ikli lang ng itinagal niya sa mundo. 
       Tuluyan ko munang isinantabi ang mga pansarili kong plano. Hindi pa ito ang tamang panahon para magpakasaya.



Miyerkules, Agosto 3, 2011

Di Na Tulad Ng Dati

        Kahapon pa lang (Martes), nae-excite na akong dumalo sa aming "pagsamba" (Church Worship service). Miyerkules ng 7:45 pm ang schedule ng pagsamba ko at sa pagkakataong ito, pareho na naman kami ng schedule ng pagsamba kaya naman umaasa akong makikita ko siyang muli, (tuwing Miyerkules nga lang ng gabi)
    
      Nagmumukha tuloy na siya lang ang habol ko tuwing pagsamba at hindi na ang mga Bible lessons na itinuturo ngt aming pastor. Siguro dati nung pareho din kami ng schedule ng pagsamba  (Linggo ng umaga) hindi talaga ako nakaka-concentrate. Ni hindi nga ako makatingin ng diretso sa harap dahil sa lugar na kinatatayuan ng pastor ay upuan din ng choir. Oo, choir member siya at madalas siyang nauupo malapit sa organista. Dati iyon, hindi na ngayon. Kamakailan ko lang din napansin na mas nakakapakinig na ako ng mabuti sa teksto ng pastor ngayon kahit na alam kong nandoon siya sa harap. Hindi na ako nakayuko at hindi na nakababad ang mga mata ko sa pagtitig sa kaniya. Kahit na pa tila nag-iistand-out at may glowing effect pa ang kaniyang maamong mukha. Hindi na, di na talaga.  

Martes, Agosto 2, 2011

Ang Kapalaran Nga Naman...

     
       Hindi na bago sa akin ang bumagsak sa eksam lalo na kung kilalang "mahirap at torture" kumbaga sa mga  estudyante ang isang subject. "Mahirap." Yan lang ang tamang salitang makapaglalarawan sa eskuwelahan na pinapasukan ko. Walang madaling subject. Hindi nadadaan ang lahat sa pag-aaral lang. May mga pagkakataon pang naluhuran mo na ang lahat ng santo sa mga kilalang simbahan, kulang pa rin para ka pumasa. 


        Hindi maikubli sa mukha ko kahapon (Lunes) ang pagkadismaya ko sa resulta ng aking eksam. Mahirap ang eksam, mahirap ang subject. Sinubukan ko namang sagutan lahat ngunit kulang ang mga tamang sagot ko para umabot sa pagkataas-taas na cut-off grade. Ako at ang ibang kaibigan ko ganoon din. Ngunit, di hamak na mas may pag-asa silang ma-exempt sa mga nakuha nilang marka kaysa sa akin. Over 100 ang eksam. Line of 8 ang highest, line of 6 sila, ako line of 5. Hindi naman ako nag-iisa dahil may mga kapareho ako ng kapalaran (BUMAGSAK), pero hindi ito dahilan para hindi ko pagbutihin ang mga susunod pang eksam. Oo, mahirap ang subject pero hindi ito dahilan para hindi ko ipasa ang susunod na eksam.

Miyerkules, Hulyo 27, 2011

Masamang Pangitain?

     Maginaw, masarap matulog habang bumabagyo sa labas. Kagabi pa lamang sinuspinde na ang klase namin ngayong araw kaya’t napasarap ang aking pagtulog. Ngunit hindi ko inaasahang isang masamang panaginip pa ang gigising sa akin ng alas-singko ng umaga mula sa mahimbinmg na pagkakatulog.
   Madalas kong makalimutan ang mga pangyayari sa panaginip ko. Ang masaklap pa, kung may matatandaan man ako, puro mga bangungot lang at walang akong masayang panaginip na matandaan. Kagabi nga, napanaginipan kong natanggalan ako ng 2 ngipin, isa sa harap (anterior teeth) at isang premolar. Bilang isang future dentist, alam ko kung gaano kahalaga ang ngipin para sa isang indibidwal lalo na yung mga nasa harap. Nalungkot ako sa panaginip ko at dahil ayaw kong nakukulangan ng kahit isang ngipin, sinubukahn ko daw itong ibalik. As in, ibalik mula sa butas na nilikha ng pagkakatanggal ng mga ngipin ko. Sinubukan ko pa daw humingi ng saklolo sa mga propesor ko sa kolehiyo ngunit ang College Dean na raw namin ang mismong nagsabi na Removable denture na lang ang tanging solusyon. Ibig sabihin, kailangan kong magpustiso sa harap at ito’y kailangan nang gawin sa lalong madaling panahon. Natakot ako dahil, parang wala nang pag-asang maibalik ang pinakainiingatan kong ngipin.
    Nagising ako at kasabay ng pagdilat ng mga mata ko ang pagtunog ng alarm ni Ate sa cellphone niya. Alas-singko na ng umaga. Napaisip ako saglit saka natandaan ang panaginip kong hindi nakakatuwa.
  Sabi ng iba, masamang pangitain daw ito. Maaaring may hindi magandang mangyari sa akin o sa pamilya ko. Pero ito na ang pangatlong beses na nakapanaginip ako na naputulan ng ngipin at wala pa rin naming masamang nangyayari sa kahit sino sa pamilya ko (buti na lang)           

Martes, Hulyo 26, 2011

Normal Lang na Tamarin Paminsan-minsan

       Nagsayang lang naman ako ng higit limang oras sa pag-oonline at pagbisita sa mga account ko sa halip na nag-aaral para sa paparating na eksam ngayong Huwebes. Kaninang tanghali , sinuspinde ang mga panghapong klase mula elementary hanggang kolehiyo sa Maynila, ako naman buong araw na walang pasok. Sa sobrang excited ko na makagawa ng bagong blog account, aba, hindi na ako nag-aral. Hindi na bale, minor subject lang naman iyon at may 2 araw pa ako bago ang eksam.. Alam ko, hindi magandang gawain ang maging tamad pero masama rin  ang masyadong nagpapa-subsob sa pag-aaral.
.