Sa wakas! Natapos din ang mahigit na isang linggong pagpupuyat para sa 5 magkakasunod naming eksam. Kaninang umaga lang naganap ang pinakamadugong pakikipagsagupa namin sa lahat ng limang exams. Ito lang naman yung subject na ibinagsak ko nung nakaraan. Ngayon, kahit papaano kuntento naman ako sa mga nasagutan ko at may mga tanong doon na kahit di ko alam at sinagutan ko nang hindi pinag-iisipan ay tsumaba naman.
Hindi magkamayaw ang mga kaklase ko sa pagpaplano nila ng mga pan-detox nila. Lahat, halos excited magpakasaya, matulog at magpahinga. Ako din mismo, sabik mag-online dahil isang linggo ko din na-deprive ang sarili ko sa pagbubukas ng mga account ko.
Plano ko nga sanang mag-online buong araw bukas o kaya tapusin yung drama series na pinapanood ko nang makatanggap ako ng text mula sa kapatid ko laman ang isang malungkot na balita. Pumanaw na ang pamangkin namin kaninang ala-una ng hapon matapos ma-comatose nung Sabado. Anak siya ng first cousin namin at malungkot dahil malapit sa amin ang batang iyon. Sa bahay pa namin sa probinsya niya napipiling magbakasyon tuwing summer. Sayang dahil napakabata pa niya at kumbaga ang ikli lang ng itinagal niya sa mundo.
Tuluyan ko munang isinantabi ang mga pansarili kong plano. Hindi pa ito ang tamang panahon para magpakasaya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento