Nitong nagdaang mga buwan, dumalaw ako sa mga dati kong kaklase sa Dentistry. Namimiss daw nila ako. Dahil may mga requirements din akong kailangang kunin sa Office of the College Secretary namin, dumaan na rin ako para makita at makausap sila. Masaya ako para sa kanila lalo't kahit mahirap ang pinagdadaanan nila, kinakaya nila iyon. Gusto ko ring maging katulad nila, ang maging masaya sa ginagawa kahit gaano kahirap.
Sa totoo lang, walang kasiguruhan itong bagay na pinasok ko. Sabi nga ng isang propesor namin nung nagpapapirma ako ng clearance, "Alam mo bang SUMUSUGAL KA?". Tama siya, sumugal nga ako at hindi biro ang bagay na itinaya ko. Isinugal ko lang naman ang "pananatili ko sa UP" at ang "pambihirang pagkakataon na makagradweyt sana sa pinaka premyadong unibersidad sa bansa." Bakit?.. kasi walang kasiguruhan na matatanggap ako sa kolehiyong lilipatan ko. Sa oras na hindi ako matanggap, kailangan kong kunin ang kursong gusto ko sa ibang eskuwelahan, mawawala na ang slot ko sa College dahil desidido na akong huwag nang bumalik sa Dentistry.
Mayo na. Isang buwan na lang at pasukan na ulit ngunit nananatili pa ring tanong para sa akin kung kailan at saan ako mag-eenroll. Matagal ko nang inihanda ang sarili ko para sa mga ganitong pangyayari. Ako ang pumili sa desisyon kong ito kaya kailangan ko itong panindigan. Anuman ang maging resulta, maluwag ko itong tatanggapin.